MGA BATANG HINDI ALAM KUNG SINO SILA


                  Panahon na ang nagtakda ng maraming pagbabago sa ating lipunan, magkaalinsabay na pag-unlad at pagkawasak. Bawat henerasyon ay may sari-sariling kuwento na maitatampok, ngunit sa papel na ito, nais talakayin ang mga ideyang nasa likod ng bawat pangyayari na tutukoy sa mga katuwirang namamayani at nasasakal, mga katuwirang kadalasan ay hindi nababatid kung hindi susuriin ng mabuti. Magiging sentro ng usapin ay ang kabataan. Ang ilang bahagi ng papel na ito ay iuugnay rin sa napanood na dulang “Sampung mga Daliri”.        

            Hindi sanggol at hindi rin hukluban, iyan daw ang kabataan ayon sa linya ng isang simpleng palaisipan. Ngunit sino ang kabataan sa larawan ng mga katuwiran, sila ba ang dominante o kabilang ba sila sa mga naisantabi? Bunga ng katalagahan at ng kapalaran ng tao, patuloy na tumutubo ang iba’t ibang sistema ng katwiran. Dalawang ang kabilang sa laro ng talaban ng katwiran, ang dominante at ang naisantabi. Ang dominante ay hindi magiging dominante hangga’t hindi niya nakikita na may naisantabi, at magagawa lamang niyang mamulat sa katalagahan kung bukas siya sa naisantabing katwiran. Kahit naisin ng dominanteng katuwiran na alisin ang mga naisantabi, hindi niya magagawa iyon dahil walang hanggan ang talaban nito sa mga nabawian ng katuwiran. Sa isang banda, nais naman ng mga naisantabi o mga binawian na pasukin ang dominanteng katuwiran na tila hindi nila maabot at lubusang maunawaan dahil namamayani pa rin sa kanilang kaisipan na walang halaga nag kanilang katwiran kung ihahambing sa dominanteng katwiran. Higit pa dito, patuloy pa rin silang nakadepende sa dominanteng katwiran na kung minsan, hindi na nila batid ang sariling pagkawasak dahil dito. Nawawasak sila kung hindi na angkop ang umiiral na katwiran sa mga kondisyong umiiral sa panahon at ang mga naisantabi ang unang magbabayad sa pagkawasak na ito dahil hindi nila mapipigilan ang epekto ng pakikipagtalaban nila sa dominanteng katwiran.

            Sa usaping ito, nararapat ring linawin na hindi ganap ang pagka-dominante ng dominanteng katwiran sa lahat ng ibang napatawan nito. Ang bawat saradong kahon ay laging maaaring mabuksan at malagyan ng ibang bagay. Gayundin ang dominanteng katwiran, kahit tila sarado ito, laging magkakaroon ng sandali na magbabago ito at kasunod na ang pagbubukas sa ibang katwiran. Nakaayon pa rin sa laro ng katalagahan ang bawat katwiran kaya walang katwiran na maaaring tuluyang magsara mula sa iba. Dito na rin papasok ang pagtalakasy sa pakikiangkop ng mga naisantabi sa dominanteng katwiran. Isasatupad nila ang kanilang katwiran sa umiiral na sistema sa paraang epektibo sa kanilang pagpapanatili ng buhay na pinahahalagahan nila. Gayunpaman, hindi ganoong kaepektibo ang tugon na ito. Gagawa pa rin ng paraan ang dominante na buwagin ang anumang gustong pumasok sa kanyang katwiran na tila nais ring isatupad ang sarili sa balangkas ng umiiral na katwiran.

            Sa maikling pagtalakay sa mga dominante at naisantabing katwiran, tila mas mauuunawaan ito kung iuugnay sa ibang konsepto na hindi na naiiiba sa lahat nang dumaan sa yugto ng kabataan, lalo na kung Pilipino ang nagbabasa nito, kahit pa kaunti ang kaalaman sa kasaysan ng bansa. Bawat isa ay dumaan sa punto na may iniidolo o tinitingala bilang magaling at nais gayahin. Ngunit tulad ng nabanggit, bawat henerasyon ay may kani-kaniyang kuwento ng kahapon.

            Kung gagawing batayan ang ngayon, sino nga ba ang kinababaliwan ng mga kabataan ngayon? Ano nga ba ang pinagtutuunan nila ng higit na panahon? Malaki na nga ba ang nag-iba? Video games, mga koreanovela, K-pop, malls, at iba pang larawan ng kabataan ngayon ay ibang-iba sa mga nakasanayan na ng mga nakatatanda sa kapanahunan nila, tulad ng paglilibang sa labas ng bahay habang naglalaro ng tumbang preso, pamimitas ng gulayin sa bakuran, paghahabulan sa damuhan at marami pang iba. Malaki ang agwat. Maraming nagbago dulot na rin ng teknolohiya.

            Kung maraming nagbago sa unang tingin, may mga bagay na hindi pa rin nagbabago. Ang kabataan, anumang panahon ang pag-usapan ay may sinusundang dominanteng katwiran. Panahon ng Kastila na tila patago ang pag-aaral ng wikang banyaga; panahon ng Amerikano pilit nakikiangkop sa uso at sinasamba ang hindi sariling atin; panahon ng Hapon nagpagumon sa ibang patakaran; dekada 70’s natutong maglibang sa disko; dekada 80’s inidolo ang mga banyaga; matapos ang ilang panahon, inidolo naman ang mga lokal na artista; tila palapit ng palapit ang mga iniidolo ngunit may isang malaking pader pa rin na nagbubuklod sa iniiidolo at umiidolo hanggang ngayon. 

            Ang kabataan noon at ngayon ay nakikipagtalaban sa dominanteng katwiran na hindi nila pinili ngunit kailangang sakayan at tila sumisigaw pa na sundin at gayahin ang umiiiral, ang nauuso. Minsan, mapapaisip na lamang kung sa kalagayan ba ngayon ng isang teenager, palaisipan pa rin kung tinatanggap nga lamang ba niya ang dominanteng katwiran at pilit itong sinasabayan dahil kapag nabuwag o nabago ito, maaaring gumuho o mawala ang kanilang itinuturing na mundo o gumagawa rin sila ng paraan upang mabago at pasukin ito. Marahil pareho ang nagaganap, parehong sitwasyon ay makakaapekto sa kung ano ang kalagayan nila ngayon.

            Kumpleto pa ba ang sampung mga daliri ng kamay ng kabataan ngayon? Kumpleto pa ba ang kanilang pambilang mula isa hanggang sampu? Buo pa ba ang mga daliri na maaaring magturo at magamit sa buhay na pinapangarap? Kung ang sagot dito ay oo, tila nararapat na ipagbigay pugay ang kanilang katayuan at marahil sila na ang dominanteng katwiran. Sa kasamaang palad, hindi natitiyak na ito ay kumpleto pa rin. Ang kalagayan ng kabataan ngayon ay maaaring umunlad kasabay ng teknolohiyang kanilang sinasakayan, ngunit kulong pa rin sila sa sistemang hindi napakikinggan, sa isang sistema na sumusunod lamang at sa isang sistema na walang malakas na boses ang kabataan.

            Hindi ko inaaalisan ng kinang ang mga tagumpay na naabot na nang kabataan sa henerasyon ngayon ngunit nais lamang linawin na hindi pa rin mailalagay sa pedestal ang kanilang kalagayan, lalo’t higit, marami pa rin sa kanila ang naiiiwan ng umiiiral na katwiran. Sa layo na ng naabot nila, hindi na rin mabilang kung ilan nga ba ang mga umiiiral na katwiran. Para sa mga naisantabi tulad ng mga kabataang, sa unang tingin ay kumpleto ang mga daliri, ngunit hindi pala, nararapat na patuloy na gumawa ng paraan na pasukin ang dominanteng katwiran at bumuo ng isang makatarungang katwiran na naaangkop sa lahat at naibibigay ng pantay-pantay. Ang unang hakbang ay aralin ang wika nila. Tulad ng pag-aaral ng wika ng mga mananakop, magsimula sa abakada ng ibang wika. Subukang timbangin kung ano ba talaga ang namamayani. Pag-aralan at suriing mabuti. Kung naisantabi ka, sikaping umunlad at pasukin ang umiiral. Kung dominante ka, maging bukas ka sa ibang katwiran. Kung baga, hindi gagana ang sistema kung isa lang ang palaging gagalaw, kaya nga ang lahat ay nagpepresensiya sa laro ng pakikipagtalaban. Maging gabay na lamang si Rizal upang manatiling nasa tamang direksyon at pagkakakilanlan ang bawat kabataan. Tila ipinataw man ni Rizal na ang kabataan raw ang pag-asa ng bayan, anong hirap panindigan ngunit maraming makikinabang kung bukas ang isip ng kabataan.

Comments

Popular posts from this blog

Ano ka? Lapis o Pambura?

In the realm of love

TAO SA KALIKASAN: KAIBIGAN O KAAWAY?