Ano ka? Lapis o Pambura?
May matatag na kaugnayan at
pakikipagtalaban ang tao sa isa’t isa na makikita sa lipunan kung saan
binabalangkas ang pakikipagsapalaran ng tao sa isa’t isa habang isinasatupad
ang kanilang pagdirito ngunit ang talabang ito ay maaaring mapangwasak o hindi
na naaayon sa pagkilala at paggamit ng potensiya ng bawat indibiduwal.
Mapangwasak ito kung ginagamit na kasangkapan ang ibang nagpepresensiya sa
pagsisikap na isatupad ang kanilang sarili. Nakita ng grupo ang ganitong uri ng
mapangwasak na talaban sa magkaalinsabay na malinaw at malabong kahirapan na
nararanasan ng mga matatanda sa Camillus Medhaven at sa papel na ito ay nais
talakayin naman ang parehong paksa ngunit sa ibang anggulo.
Naging
interesanteng paksa ng talakayan ang sitwasyong kinabibilangan ng mga
matatanda. Habang nagpepresensiya ang mga matatanda sa lipunan kasama ng ibang
mga taong nagpepresensiya, posibleng magbanggaan ang mga partikular na sistema
ng pag-unawa at maaaring maging sanhi itong hindi maiwasang bahagi ng laro ng
pagdirito, ang pagbabanggan ng pang-aapi at kahirapan. Maaaring magkakaiba ang
pananaw at paraan ng pagtugon sa kahirapang dinaranas ng mga matatanda dahil
bawat tao ay may dalang partikular na sistema ng pag-unawa. Dito mabubuo ang
isang malikhaing dinamismo ng ating kapalaran kung saan patuloy na hinuhubog ang
kapalaran ng bawat isa.
Bahagi
ng pagkatao ang kakayahang mamulat sa kanyang paraan ng pag-unawa at
pagpapahalaga sa mundo pati na rin sa pag-unawa at pagpapahalaga ng ibang tao.
Ngunit, hindi madalas mapansin ang sistema na nagbibigay kahulugan ng taong
kumikilos sa sistemang ito. Mamumulat
lang siya na may ibang paraan ng pagtingin o pag-unawa kapag nakatagpo ang
ibang taong may ibang karanasan. Hindi lamang din niya basta tinatanggap ang
kanilang paraan ng pag-uunawa at pagpapahalaga sa katalagahan kaya niya rin
itong mahubog.
Dito
mismo makikita ang suliranin, kapag mas pinili ng isang tao na ipatupad ang
kanilang sarili sa lipunan nang walang pakikitagpo sa iba, nasisira rin ang
sistema ng pagprepresensiya sa isa’t isa dahil may epekto ang bawat kilos sa
kapalaran, may epekto ang bawat pagpapasya at anumang malayang kilos sa
panahon. HIgit pa, ituon natin sa kahirapan, nagkakaroon ng problema, kung ang
mga taong wala sa sistema ng kahirapan ang nagiging sanhi o naglalagay sa
pagwawala o pagwawasak ng sistema ng kapwa tao na nagprepresensiya sa loob ng
sistema ng kahirapan.
Umiiral
din ang kamalayan bilang isang pagbubukas. Kailangang bukas ang parehong
mahihirap at hindi sa pagprepresensiya ng bawat isa. Sabihin man na may matibay
na balangkas na nagbibigay hugis sa pagtanggap nito sa katalagahan dahil dito
lamang iikot ang oryentasyon ng kalayaan. Kaya sa pakikitagpo ng tao sa
talagang narito, kailangan niyang unawain nang tapatang nagdirito at makitagpo
dito ng tapat dahil kung hindi, may pangwawasak na nagaganap tulad ng kahirapan.
Madalas mapapansin din ang pagtanggi ng tao sa mga pang-aaping ginagawa ng
kapwa.
Sa sistema ng pagpapahalaga ng
tao, ang ordo amoris, naaayos ang kanyang kalooban at nababalangkas ang
kakayahang makilala ang sistemang dala ng ibang nagprepresensiya.Ngunit
mayroong malaking posibilidad na makulong ang tao sa kanyang sariling sistema
ng halaga kung nakatutok lamang siya sa mababang sistema at hindi nabibigyang
pagkakataon na tanawin ng sarili ang mas mataas na halaga. Masasabi rin natin
na hindi nakukulong ang tao sa kaniyang sariling sistema ng mga halaga dahil lagi
siyang nasa mundo kasama ng ibang mga tao na may ibang sistema ng
pagpapahalaga. Ganito ang nangyayari sa mga taong nakukulong sa sarili nilang
kahirapan.
Kung bukas siyang tao na sabay
tapat sa kanyang karanasan sa katalagahan at sa posibilidad na may ibang
sistema ng halaga na tapat din sa pagpepresensiya ng meron, may pagkakataon
siyang masuri ang sariling sistema ng pagpapahalaga at hindi makulong na lamang
ng buo dito.
Matapos na maipaliwanag sa unang
bahagi ng papel na ito ang pilosopikong kaugnayan kung paano nakikitagpo ang
bawat nagprepresensiya sa isa’t isa at kung paano sila nakikipagtalaban gamit
ang iba’t ibang sistema ng pagpapahalaga, nais kong palalimin pa ang pag-uunawa
sa kahirapang maaaring naidudulot ng pagbabanggaan ng mga sistema. Ang susunod na mga punto ay ang mga ideyang nais
kong ipahayag sa mga nasa loob ng anumang uri ng kahirapan.
Una, kailangang matuto na
magkaroon at mamulat sa direksyon ng kanyang buhay, sa kanyang katalagahan mula
sa pakikitagpo sa ibang tao. Kung mahirap ka, huwag mong isisi sa sira mong
pamilya, sa pagkukulang ng mga magulang mo, sa syotang iniwan ka, sa pilay na
tuta, kahit sa lumilipad na ipis o sa anumang tiyak na sa kalagayan mo. Huwag
manisi sa iba dahil lahat ng ginagawa mo, ikaw lang ‘yun, may epekto man ang
ibang tao sa pagdirito mo, hindi iyon dahilan para makulong ka doon, kaya nga
mayroong katwiran ang bawat nilalang. Isa pa, wala namang patutunguhan kung
itutuon mo lamang sa iba ang kakulangan na talagang nasa sa’yo. Nasa mismong
pagpapasiya ng sarili kung tutugunan mo iyon o hindi.
Ikalawa, habang tumatanda,
mararanasan din ang iba’t ibang karanasan ng pagkadapa. Maraming pagkakataon na
palagi kang susubukan at patuloy hihimayin ang iyong potensiya bilang tao sa
larong ito. Anuman ang iyong pagtugon dito, tulad ng nasabi na sa ulat, hindi
titigil ang mundo para hintayin ka. Magpapatuloy pa rin ang ikot ng mundo,
patuloy pa rin ang buhay at ang oras, kelangan mo itong sabayan.
Ikatlo, sa buhay, hindi kailangang
ipagsiksikan ang sarili kung wala nang pwesto na nakalaan para sa iyo. Mayroon
namang ibang lugar na maluwag, hindi mo lang pinapansin. Kung nasa loob ka nng
isang kahon ng kahirapan, isipin na lamang na hindi naman nakasarado ang kahon
na ito. Mayroon ka pa ring ibang pagpipilian, at hindi mawawalan nito, iyon ay
kung bukas ka lamang sa mga posibilidad na patuloy na huhubog sa iyong pagkatao
at pakikipagtalaban sa iba. Maaari mong buksan ang kahon para makalabas ka at
gumawa ng ibang mas kapakipakinabang gamit ang kung ano mang natirang potensiya
sa kahirapang dinaranas mo.
Ikaapat, ang tao ay tulad ng isang
estudyanteng nagsusulat ng essay ng kanyang buhay, hindi ito huhusgahan kung
mali o tama, ngunit titingnan ang laman kung may kabuluhan man o wala. Hindi
dahilan ang pagiging mahirap para mawalan ng kabuluhan ang buhay ng isang tao.
Hindi naman ito sukatan ng kakayanan o kayamanan, susukatin ang iyong sarili
kung paano mo pinahalagahan at tinugunan ang mga nagmemeron sa iyong paligid.
Laging dapat alalahanin na sa kahirapa’y may kayamanan din at depende na lamang
sa tao, sa kanyang sistema ng pagpapahalaga at pangangatwiran kung makikita
niya ang kayamanan sa kung anumang mayroon siya.
Ikalima, ang bawat tao ay may dalang
sistema ng pagpapahalaga na nakikipagtalaban sa iba pang sistema ng
pagpapahalaga. Ang sistemang ito ay may iba’t ibang nibel rin kasabay ng
pag-uunawa na bubuo sa katwiran. Kitang-kita ito sa mga mag-aaral halimbawa,
nahihirapan o napapabayaan ang mga kailangang gawin para sa paaralan dahil
kahit marami siyang kailangang gawin na mga takdang-aralin, tingnan mo at ang
ilan ay mas una pa ring ita-type ang facebook kaysa google. Sabay kasing hawak
at hindi hawak ng tao ang kanyang kapalaran ayon sa kanyang sariling
pagpapasiya dahil patuloy itong hinuhubog kaaalinsabay ng iba pang nagdirito.
Ikaanim, iba’t iba ang maaaring
maging mukha ng kahirapan, maaaring kakulangang sa pera o kakulangang
makibahagi sa pag-unlad ng lipunan. Kaalinsabay ng mga ito, iba’t iba rin ang
maaaring maging pakikitagpo ng tao dito. Maaaring tingnan ang kahirapan bilang
kakulangan o maaari ring bilang inspirasyon para maghangad ng mas mabuting
buhay.Obligasyon ng bawat taong maglayag, karapatan niyang pumunta sa kung saan
man niya gustuhin at responsibilidad niya ang sarili niyang buhay na
nababalangkas gamit ang kanyang katwiran bilang pagtugon sa kanyang kapalaran.
Ikapito at pinakamahalaga, walang
gamot sa kahirapan kundi pagkukusa. Hindi ka mananatiling balot sa kahirapang
dinaranas kung aaksyonan mo ito kaagad. Walang mali sa pagsubok na makaalis sa kahirapan, maaaring
magkamali, pero sa pagsusulit naman ng buhay, pwede naman ang magkamali at
magbura, huwag lang titigil na sumubok at patuloy na hanapin ang potensiya
bilang nagdirito at nakikipagtalaban sa iba. Madalas kasi mas pinaiiral pa ang
pagkabulag sa katotohanan kaysa sa pagkamulat na may solusyon pa, kaya
nakakulong pa rin sa kahirapan.
Maaring masyadong mahirap alalahanin
ang pitong puntong nabanggit ko. Aaminin ko, mula sa personal kong pananaw, hindi madaling maging ganap at isatupad ang
pagka-ako kung maraming pader ng limitasyong nakapaligid sa iyo sa kahirapang
dinaranas.Ngunit kung bukas ka lamang sa iba’t ibang mga posibilidad upang
makatakas sa sitwasyong ito, hindi mo makikita ang kahirapan bilang kahirapan
lang, kundi maaaring isang maliit na pagsubok lamang sa kabuuan ng buhay mo, at
hindi ka magpapalamon dito. Gawin nating simple ang kahirapan. Isipin ang isang
puting papel, anumang kulay o hugis nito, ikaw mismo ang may hawak ng
kahihinatnan ng papel, gayundin sa buhay, oo nga’t mahirap ka na ngunit
mababago mo pa ito, maaari mo itong gawing makulay o hindi, malikhain man o
hindi. Alalahin mong hindi rin basta magkakaroon ng sulat ang papel kung hindi
mo susulatan ng ibang karanasan. Hindi naman basta na lamang mahuhulog mula sa
langit ang mga kasagutan sa kahirapan mo, magsumikap ka ring hanapin ang mga
iyon gamit ang dala-dala mong mga potensiya. Kung hindi mo man kayang maging
lapis para isulat ang mga solusyon sa problema mo, subukan mo man lang maging
pambura, upang burahin ang negatibong pagtanaw mo ukol dito. Mahirap ka man
ngayon o hindi, walang hanggan pa rin ang laro ng pagprepresensiyang
kinabibilangan mo, at nasa sarili na kung mababago pa ang kalagayang ito o
hindi. Ngunit hindi ba mas maganda kung isa kang lapis na may pambura? Patuloy
na magsulat sapagkat walang hangganan ang ngayon at bukas.
Comments
Post a Comment