EGOTISMO at PAGPAPAKUMBABA



           Ang kabuuan ng papel na ito ay iikot sa paksa ng pagkakasala, pagsisisi at pagbabalik-loob. Bunga ng marahas na katwirang namana ang huwad na pagpapatupad ng sarili na hindi magtatagal ay magiging mapangwasak, hadlang sa malikhaing pakikipagsapalaran sa mundo at kapwa-tao at labag sa walang hanggang laro ng pagdirito. Dito magmumula ang pagmumuni-muni sa pagiging bukas ng tao o hindi na pagsisihan ang mga gawaing mapangwasak o patuloy na makulong sa ganap na karahasan. Mula sa pagsisi, matututo ang tao na humingi ng tawad sa kapwa, magbalik-loob at maging bukas muli sa malayang diskurso ng katalagahan.

     Binabalangkas ang sarili ng katwirang nabuo ng marahas at mapangwasak na gawaing hindi mapagsisisihan dahil itinatag na bilang makatwiran sa nakaraan at naipama ito sa mga salinlahi. Ang katwirang iyon din ang humuhubog sa pag-uunawa sa dapat at katanggap-tanggap, nagbibigay-hugis sa ating katwiran at pagdirito. Mula sa mga katwirang ito, mayroon tayong nagagawang marahas o mapangwasak na sinasadya o hindi sinasadya kahit hindi bukal sa ating sarili. Ang tao sa puntong ito, ay tila sabayang biktima at dahilan ng karahasan. Nagiging sanhi ang tao ng karahasan hangga’t hindi niya nakikilala ang kanyang pagkakasala at hindi ito napagsisisihan, mananatili ang tao sa kanyang pagkamarahas. Masyadong umiiral ang egotismo sa kanyang pagkatao. Sa kabilang banda, siya ay biktima o alipin dahil, habang hindi niya nakikita ang kanyang pagka-marahas, hindi rin niya naisasatupad ang kanyang potensiyang maging malikhain sa mundo at makulong na lamang sa isang mapangwasak na sistema ng katwiran at huwad na pagpapatupad ng sarili.

            Tulad ng nabanggit na, maaaring bukas o hindi bukas ang tao sa kanyang ginagawang karahasan. Sa hindi pagbubukas dito, hindi rin nakikilala ang pagprepresensiya sa kapwa nagmemeron. Patuloy na naninigas ang kalooban ng tao at ang pagkakulong sa sariling egotismo kung saan nagsasara ang tao sa pagrepresensiya ng nagprepresensiya. Dahil din sa hindi pagiging bukas, lalong napapalaganap ang sistemang mapangwasak sa atin at lalo tayong nagiging alipin ng katwirang ito. Makukulong sa sistemang iyon at mahirap tumakas kahit alam ng kalooban na may lagi at laging nagprepresensiya mula sa katalagahan ayon sa nararapat.

            Kung bukas naman ang tao sa kanyang pagkakasala, tutunguhin niya ang landas ng pagsisisi. Dito niya makikilala ang kilos sa partikular na gawain o mga gawain bilang paglabag sa nararapat ayon sa laro ng katalagahan at ang pagtanggi dito o mga kilos na hindi makatarungan sa kapwa at sa sarili. Dito niya makikilala ang mapangwasak na pagpapatupad ng sarili. Magbubukas din muli ang kalooban ng tao sa pagprepresensiya ng katalagahan mula sa pagkasira ng kaugnayan dito. Muli niyang maisasaloob at mapagmumuni-munihan ang kanyang pagkilos at suriin kung makatarungan ba o hindi sa mga kapwa nagdirito. Matatanaw niyang muli ang buod ng kanyang pagkatao at maaaring mapalaya rin siya mula sa epekto ng pagkakasala na binabalangkas ng huwad na pagdirito ng sarili.

            Mula sa kanyang pagsisisi, matututo siyang humingi ng tawad. Gagawin ito ng tao na may pag-amin sa sarili at sa iba ng huwad at marahas na pagpapatupad ng sarili na nakakasira ng malikhaing kaugnayan sa kapwa meron. Ang pagpapakumbaba ang pangunahing susi sa paghingi ng patawad na maglalagay sa sarili sa isang kalagayan ng kalooban na ganap na nagbubukas sa nagprepresensiyang katalagahan bilang talagang nagdirito at dapat galangin nang hindi nawawasak at hindi pinapatawan ng kalooban ng ako.

            Kaalinsabay ng paghingi ng patawad mula sa mga biktima ng nagawang karahasan, mapapatawad din niya ang kanyang sarili. Makakalabas siyang muli mula sa pagkakakulong sa marahas na sarili at matutunan niyang ituwid ang nabaluktot niyang katwiran.

            Sa anumang bahagi ng proseso mula sa pagkakasala tungo sa pagbabalik-loob, mahalagang bumuo ng makatarungang ugnayan sa pagitan ng mga nagkasala at mga biktima sa pamamagitan ng malayang diskurso ng mga nagbabanggaang katwiran. Mula sa prosesong ito, mababago ang mga mapangwasak na kaugnayan sa pagitan ng mga grupo at parehong umaasa na ang kahahantungan ay isang mapayapa at makatarungang kinabukasan. Masasalamin rin ang ganitong uri ng diskurso sa mga miyembro ng lipunang bukas sa kanilang pagkakasala at nakikita ang pagbabago ng mapangwasak na katwiran upang maging malikhain ang kanyang lipunan.

            Sa dulo ng lahat ng ito, dapat nating malaman kung tunay ang pagsisisi ng isang tao. Kung hindi tunay ang pagsisisi ng tao, mananatili pa rin siya sa pagkakatali sa tanikala ng kahapon na dapat sana ay tutulungan siyang umangat pero mas nagiging pabigat pa pala para mas lumubog siya. Hindi siya makakausad hangga’t hindi tunay na nagsisisi, humihingi ng patawad o nagpapatawad. Sa kabilang banda, matapos niyang makilala ang karahasang pinagbabatayan ng kanilang paraan ng pag-iral, kung tunay na nagsisisi ang tao, dapat may nakikitang bunga. Sa madaling salita, tatalikuran na niya ang mali at haharap siya sa tama. Magsisimula siyang bumalik sa paggawa ng mabuti at titigilan na niya ang paggawa ng masama. Matapos magsisi, kailangang ayusin ang mga nasira ng mapangwasak na katwiran. Ito ang tunay na pagbabalik-loob at pagbabalik sa malikhaing pagdirito. Bilang pagtatapos, maaaring balikan ang isang pahayag na “Walang ginagawa ang tao na mapangwasak na hindi babalik sa kanya.” Kung nagiging marahas ang isang tao, sinasadya man o hindi, nararapat niyang panagutan iyon gaano man kaliit o kalaki dahil bawat ginagawa niya ay may epekto sa laro ng pagprepresensiya ng mga nagprepresensiya. Walang maidudulot ang pagiging makasarili kundi karahasan, at ang pagpapakumbaba naman, tanging dulot ay kaayusan at kabutihan. 

Comments

Popular posts from this blog

Ano ka? Lapis o Pambura?

In the realm of love

TAO SA KALIKASAN: KAIBIGAN O KAAWAY?