TAO SA KALIKASAN: KAIBIGAN O KAAWAY?
Ano o sino nga ba ang pangunahing
dahilan ng lahat ng kaguluhan na nangyayari ngayon sa mundo? Sino pa kundi ang
tao. Tayo mismo ang dahilan ng problema. Sa patuloy na paghahangad ng tao na
makaangat sa iba, dinadala nito ang tao sa pagiging dahilan ng iba pang mga
sakuna, magsimula na lang sa pang-industriyang pananamantala sa mga likas na
yaman ng mundo. Ang mahirap sa tao, hindi siya marunong makinig at mamulat sa
lahat ng mga sintomas ng malupit na pagbabago sa mundo. Hindi niya kayang
pahalagahan o makinig man lamang dahil abala siya sa ibang bagay na itinuturing
niyang mahalaga at magbibigay sa kanya ng kasaganaan. Marami namang librong
nauukol dito sa isyung ito ngunit ilan lamang ang nagiging interesado. Bakit?
Dahil para sa kanila, wala rin silang magagawa dahil patuloy pa rin ang pagbabago.
Dito nagkakamali ang tao. Sa mga pagkakataong inuuna niya ang kanyang sariling
paniniwala kaysa sa iba, nakukulong siya at nahahadlangang makita ang kalagayan
ng kanyang paligid kaya hindi na rin nakakaalarma na malaman na hindi na rin
alam ng tao kung paano makipagkapwa-tao at makipagtalab ng maayos sa mundo.
Marami tayong nagiging problema sa panahon ngayon na tayo rin naman ang
imbentor. Marami tayong mga naranasang sakuna na tayo rin naman ang
nagpasimula. Nagiging sanhi tayo ng malalaking problema dahil sa mga maling
desisyon.
Nagkukulang ang tao sa malayong
pananaw. Araw-araw tayong nagtatrabaho para sa ikauunlad ng ating ekonomiya at
estado sa lipunan, araw-araw din nating tinatahak ang daan patungo sa sariling
pagkawasak. Lahat nang panganib na ating mararanasan ay repleksiyon lamang nang
ating mga ginawa sa mundo. Mula sa pagkasira ng mga kagubatan para sa mga
malalaking gusali at pabrika hanggang sa mga makabagong sandatang nukleyar,
patuloy na tumataas ang posibilidad na lalong lumala ang global warming at
dumami pa ang mga sakuna.
Marahil isa o dalawang siglo mula
ngayon, o mas maaga pa, ang tao ay mailalarawan bilang mga punong walang ugat.
Wala silang pundasyon sa kanilang buhay kundi ang kasaganaan o karangyaan sa
mga materyal na bagay. Kapag may pagbabago, oo at madali silang makakasabay
dito ngunit, kapag nagkaroon naman ng sakuna, madali rin silang matatangay nito
patungo sa masalimuot na kapalaran. Hindi na sila mag-aaksaya ng panahon upang
mag-isip ng mga bagay higit sa kanyang sariling pangangailangan. Ang masakit pa
nito, baka maging tila ‘robots’ na lamang sila na walang pakiramdam at walang
pakialam sa kanilang kapwa at kapaligiran.
Higit sa lahat, pinakamahirap
husgahan ang sariling pagkatao. Mahirap hatulan ang sariling pagkakamali kaya
naman, hindi rin natutugunan ang kaguluhan. Kung minsan, isinisisi pa ng tao sa
kanyang kapwa ang lahat ng problema sa mundo gayong kahit siya mismo ay
nagkakamali. Iyong mga mabubuting bagay na dapat ay ginawa nila para sa mundo
pero hindi nila ginawa o mga masasamang bagay na hindi nila dapat ginawa sa
mundo pero siya namang ginawa. Dito nabibigo ang tao.
Kailangang malampasan ng tao ang
bahaging ito ng kanyang buhay. Nangyari na ang mga pagkakamali at malapit nang
dumating ang marami pang mas nakapipinsalang sakuna. Unti-unti nang namumulat
ang tao sa epekto ng global warming kaya nais ko ring buksan ang paksa ng
pagsisisi at pagbabalik-loob ng tao.
At dahil nandito na tayo sa malalang
sitwasyon ng nasisirang kalikasan at umuusbong na kayamanang pinansiyal, ano
nga ba ang nararapat gawin? Ano nga ba ang pinakamabisang solusyon sa problemang ito? Paano nga ba
pangangasiwaan ng tao ang kanyang mga kasalanan sa kalikasan at kabiguang
maging bahagi nito? Sa pagtalakay ng mga ganitong paksa, mahalagang maging
tiyak at hindi generalized.
Kung sarili mismo ang dahilan ng problema, pagsisihan ito. Tanggapin ang mga
pagkakamali at maging responsible
sa kanyang mga kasalanan saka pa mabibigyang sago tang problema. Una sa lahat patawarin ang sarili. Magbago at
limitahan ang mga naidulot na problema, buuuin muli ang pagiging tao.
Kung ipagpapaliban ang ekonomiya at
ang tao ay matutong mamuhay nang simple lamang at makibagay sa katutaubong mga
paraan, ano nga ba ang maaari nating asahan na pagbabago? Maaaring mahihirapan
sa simula ang tao dahil kinasanayan na nila ang labis na pagkonsumo ngunit
kailangan pa rin itong ipagpatuloy upang mabuo ang sistema nang paggawa at
pagbabawas ng pagkonsumo. Kailangang hikayatin ang bawat isa na isulong ang
nakabubuti para sa kalikasan kahit ang kapalit nito ay paghina ng ekonomiya.
Kung trabaho ang problema, bakit hindi gumawa ng mga gawaing pangkalikasan kung
saan kikita rin sila, hindi man malaki ngunit sapat na upang mabuhay sila ng maayos
at marangal. Kung muli lamang maibabalik ang dating kay gandang pligid, puno ng
mga halaman at sariwang hangin, ano pang ating mahihiling. Siguro, nasanay at
namamangha lamang ang tao sa mga materyal na bagay ngunit hindi iyan kailanman
magiging sukatan ng pagiging tao. Ang tao ay tao na dapat makataong
nakikipagtalab sa mundo para makipagtalab din ng maayos ang mundo pabalik sa
kanya. Kung ano ang hatol na ibibigay ng tao sa mundo, iyon din ang hatol ng
mundo sa tao.
Ang punto ko lamang rito ay mahirap
isulong ang ganitong layunin kung sa isip nang tao na tanging kayamanan at
katanyagan ang mahalaga. Ngunit, huwag sanang mawala ang pagpapamulat sa lahat
na kailangang pagsisihan na ngayon ang mapangwasak na gawain noon at piliting
unti-unti ay bigyang daan ang mas magandang layuning lahat ay makikinabang.
Wala namang bagay na kapakipaki-pakinabang na nadadaan sa madalian.
Paunti-unti, nararapat na muling buuuin ang mundong ito na nasira dahil sa
kapabayaan ng tao. Kailangang matibay tayo sa ganitong mga sitwasyon.
Mapangwasak ang masyadong manipis na pagkatao. Kailangang parating magsikap
upang may mangyaring kapaki-pakinabang sa buhay natin at sa mundong ating
ginagalawan.
Paano nga ba magbabalik-loob ang tao
kung walang katapusan ang hangad nito sa buhay at walang katapusan din ang
kanyang pagkakasala sa mundo? Kailangang malaman ng tao ang kanyang pamantayan
sa kung ano ba ang mga pananaw na mapangbuo at mapangwasak, ang kaaya-aya at
hindi, ang nararapat at hindi angkop,. Ano nga ba an gating mga layunin sa
buhay at mga pamantayan? Paano nga ba sukatin ng tao ang kanyang tagumpay, sa
salapi lamang ba o kasama ang makataong paggawa? Minsan kasi napaka-abstrakto
ng mga hinahangad ng tao, na tila hindi na makatotohanan. Dapat makatotohanan
ang mga nais marating. Nararapat tanggapin ng tao ang limitasyon ng
kalikasan. Huwag sanang pilitin ang mga
pansariling kagustuhan kung sisisirain din lamang ang mga likas na yaman.
Ang 10 volts na bumbilya, kapag
sinaksakan niyo ng napakataas na wattage, maupundi at puputok. Gayungin ang
mundo, may sarili rin itong wattage at iyon ang limitasyon ng kalikasan. Ang
tunay na kasaganaan ay madarama kung matatanggap ng tao ang wattage ng
kalikasan at maging magaling o kapaki-pakinabang sa saklaw na ibinigay ng
kalikasan. Ika nga sa isang kasabihan. Don’t bite more than what you can chew. Matuto tayong
mamuhay gamit ang kung anong meron tayo. Higit na ikasasaya ng tao kung
napapalago niya ang kanyang mga potensiyal bilang tao at huwag nang lumampas
doon.
Kung gaano nagkaroon ng lakas ang
taong sirain ang mundo, sana ganoon din ang lakas nila o doble pa upang
maibalik itong muli sa normal. Hindi dapat maging talunan ang tao. Hindi
maaaring atras ng atras, mali na nga, itutuloy pa. Ano ba naman ang asenso? Mabibili
mo ang lahat ng gusto mong kainin pero hindi mo mabibili ang pagkakaroon ng
gana sa pagkain. Makabibili din ng malalaking bahay at magandang higaan, ngunit
hindi kailanman mabibili ang tahimik na konsensiya at maayos na pagtulog. Huwag
sanang gamitin ang lakas sa kawalan at sa paggawa ng mali at pagkatapos ay
gagamit muli ng lakas upang ikubli ang pagkakamaling iyon. Mapapagod din ang
tao. Sa halip, bakit hindi gamitin na lamang ang lakas sa paggawa ng nararapat
at makabubuti sa lahat.
At sa kabuuuan, tanging kaunting
paalala lamang ang maaaring iwanan. Napakadaling malasing kung tayo’y may
tagumpay, kilala, mayaman at makapangyarihan. Kaalinsabay nito ang pagiging
mapangwasak at pagiging palalo. Wala namang makukuha ang tao kung marangya
lamang siya pero hindi naman sila nagiging makatao at makakalikasan.
Sa mundo natin ngayon, mahirap para
sa atin na ayusin ang ating sariling sistema, kaya nahihirapan tayong ayusin
ang sistema ng mundong ito sa kabuuuan. Ang pagpapanatili ng ating kalikasan ay
nararapat tingnan bilang isang proseso at hindi lamang isang mataas na layunin
lamang. Kumilos na ngayon, maaaring hindi agad makikita ang resulta pero
sigurado namang tanging maidudulot ay maganda. Matutong magsakripisyo at
ipagpaliban ang mga hindi makataong gawain at kinasanayan kahit mahirap. Ito
ang tunay na pagbabalik-loob, kapag natuto ang tao na unahin ang mundo kaysa sa
dating hindi niya maiwanan at pinakaiingatang karangyaan at kayamanang
materyalistiko lamang. Ang tao ang inaaasahang mag-alaga sa kanyang kapaligiran
dahil siya ang may rational na pag-iisip ngunit nababawasan ang kanyang
pagkatao kung pinipili niyang pabayaan ang ipinagkatiwala sa kanya na mundo.
Comments
Post a Comment